-- Advertisements --

Pabor si Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia sa pagrerenta ng bagong vote counting machines para sa pagsasagawa ng 2025 elections at sa mga susunod na halalan para maiwasan ang aberya ng VCMs sa hinaharap.

Ginawa ni Garcia ang naturang pahayag sa isinagawang deliberasyon ng Commission on Appointments sa kaniyang nominasyon bilang poll body chairperson.

Sinabi ni Garcia na nasa 90,000 VCMs sa warehouses ng Comelec ang hindi na gumagana.

Giniit ng Comelec chairman na hinsi na kailangang bumili ng bago dahil sa pabago-bagong teknolohiya kada anim na buwan kayat pinakamainam aniya ay magrenta na lamang ng VCMs dahil hindi na kailangan pa ng warehouse at imintina kayat mas mura at tiyak na bago ang makina.

Saad pa ni Garcia na bbase sa technical specifications na kapag gagamitin ang mga VCMs na ginamit sa nakalipas na tatlong halalan para sa 2025 elections, mauulit lamang aniya ang insidente ng malfunctioning ng VCMs.

Hindi aniya maaaring bumalik sa manual elections at dapat computerized elections na dahil hindi lamang ito tungkol sa speed o bilis subalit gayundin para sa kredibilidad ng resulta ng halalan.

Ipinunto naman ni Garcia na gagabayan pa rin ang poll body mula sa feedback ng mga mambabatas mula sa Kamara at Senado.