-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Sa programang Unlad Kabacan, mismong si Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr ang nag-anunsyo na kailangang maglaan ng karagdagang anim na metro mula sa labing limang metrong na-clear ng munisipyo nitong nagdaang Oktubre 2019.

Ayon sa alkalde ito ay batay sa Municipal Zoning Ordinance No. 2014-015 na kung saan inilahad rito ang sakop ng economic zone para sa mga commercial buildings sa national highway.

Batay sa nasabing ordinansa, 20 metro ang kailangang road set-back ng bawat establisemento na makikita sa national highway at iiwan itong blanko upang maging parking space ng kanilang mga kliyente, ngunit, ayon sa alkalde kung ipapatupad ng bayan ang nakatakdang road set-back ay tiyak na mauubos ang lahat ng mga establisementong nasa National Highway ng bayan, kung kaya bilang humanitarian consideration, ipinag-utos nito ang anim na metrong road set-back mula sa dalawampong metro.

Dagdag pa ng alkalde, layunin ng set-back na ito na mas mabigyan ng maayos na parking space ang mga kliyente ng bawat ng establisemento sa national highway. Aniya, sa oras na ito ay maipapatupad, mas malaking ginhawa ang dulot ng set-back hindi lamang sa mga establisemento pati na rin sa mga commuters na nakakaranas ng bigat ng trapiko sa bayan.

Kaugnay nito, inaasahan naman ng alkalde ang mga reklamo o katanungan patungkol sa ordinansang ito.

Paliwanag ni Mayor Guzman, alam nito ang halaga ng bawat pisong inilaan ng mga establisemento sa pagpapatayo ng kanilang gusali, ngunit dapat umano ay kanilang binibigyang konsiderasyon din ang mga ordinansa ng bayan.

Nakatakda namang pulungin ng alkalde ang establisementong matatamaan ng nasabing ordinansa.