-- Advertisements --

Umaapela ang Commission on Elections (Comelc) sa Kamara na ibalik ang pondong tinapyas ng Department of Budget and Management mula sa kanilang 2021 budget.

Sa kanilang budget briefing sa Kamara nitong hapon, sinabi ng Comelec na tanging P14.P14.56 billion ang inaprubahan ng DBM mula sa kanilang orihinal na proposal na P30.673 Billion. 

Sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo, sinabi ni Comelec spokesperson Dir. James Jimenez na kabilang sa mga apektado ng budget cut ay ang kanilang planong bumili ng karagdagang makina na gagamitin sa 2022 national at local elections.

Bukod kasi sa may edad na yung mga makina na kanilang binili sa mga nakalipas na taon para sa automated elections, sinabi ni Jimenez na inaasahan nilang lalo pang dadami ang bilang ng registered voters na boboto sa halalan sa susunod na dalawang taon.

Kinukonsidera rin nila ang posibilidad na wala pa ring COVID-19 vaccine sa 2022 kaya hangga’t maari ayon kay Jimenez nais nilang kaunti lamang ang bilang ng mga botante na gagamit sa bawat makina upang maiwasan ang pagsisiksikan at hawaan ng sakit. 

Sa kanilang pagtataya, inaasahan na sa 2022 ay aabot sa 65.304 million ang registered voters. 

Kaya bukod sa restoration ng pondo na tinanggal sa kanila ng DBM, umaapela rin ang DBM sa Kongreso na tulungan sila sa pagpapalawak sa pamamaraan kung paano isagawa ang botohan.

Nabatid na sa ngayon may ilang mga panukalang batas na pending sa Kamara patungkol dito, kabilang na ang hinggil sa “voting by mail” na inihain ni Quimbo.

Ayon kay Quimbo, ang mga persons with disabilities at mga senior citizens ang magbebenepisyo sa panukalang batas na ito.