Pinawi ng Commission on Elections ang pangamba ng publiko at tiniyak na walang election materials na gagamitin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon ang naapektuhan matapos sumiklab ang minor fire incident sa ika-anim na palapag sa gusali ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila kahapon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa opisina ng kooperatiba ng Bureau of Treasury.
Agad din namang naapula ang sunog dakong 12:32 ng hapon na tumagal ng 10 minuto.
Kaugnay nito, sinuspendi pansamantala ang pasok sa mga department at opisina para bigyang daan ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection at para sa safety assessment sa nasunog na palapag.
Suspendido din ang pagisyu ng overseas voter’s certificates na matatagpuan sa ikapitong palapag ng gusali hanggang ngayong araw, Agosto 1.