-- Advertisements --

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi makaaapekto sa kanilang paghahanda para sa halalan ang kasaluyang imbestigasyon hinggil sa naantalang townhall debate ng komisyon para sa mga kumakandidato sa pagka-presidente at bise presidente ngayong eleksyon.

Sa isang pahayag ay paulit-ulit na binigyang-diin ni Comelec Commissioner George Garcia n nakatutok ang komisyon sa ginagawang paghahanda para sa May 9 elections at hindi aniya ito masisira ng umiiral na imbestigasyon hinggil sa nasabing usapin.

Aminado si Garcia na hindi agad ito mareresolba sa lalong madaling panahon dahil lahat aniya ng kinatawan ng Comelec ay naka-focus sa eleksyon.

Mas maraming problema raw kasi ang posibleng kaharapin ng komisyon na kinakailangan nilang agad na mapunan ngayong papalapit na ng papalapit ang mismong araw ng halalan.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Garcia ang lahat na dapat ay sa mismong paghahandang ginagawa ng Comelec para sa eleksyon nakatuon ang atensyon ng bawat isa at hindi sa naturang imbestigasyon.

Magugunita na kaugnay niyan ay una nang sinabi ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino na naipadala na sa mga local hubs ang lahat ng mga ballot box at transmission devices habang nasa 96.44% naman ng mga vote counting machines (VCMs), 99.54% ng external batteries, 99.01% ng mga consolidated canvassing system laptop, at 48% ng mga official ballots naman ang nai-dispatch na ng komisyon.