-- Advertisements --
COMELEC CHAIR GEORGE ERWIN GARCIA

Pinaplano ngayon ng Commission on Elections na isailalim na rin sa mga pagsasanay bilang electoral board members ang ilang miyembro ng kasundaluhan para sa susunod na halalan.

Ito ay matapos ang insidente ng umano’y pag-atras ng ilang mga pulis sa paghalili sa mga guro sa pagsisilbi sa nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Sa isang pulong balitaan ay sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ito ay bahagi ng kanilang contingency plan kaugnay sa augmentation ng mga election personnel tuwing panahon ng halalan.

Naniniwala si Garcia na sa magiging magandang combination ang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagtupad sa naturang tungkulin bilang suporta o back up sa mga gurong mauupong electoral board tuwing eleksyon.

Samantala, kaugnay nito ay nilinaw naman ni Garcia na ang pag-atras na ito ng mga pulis bilang electoral board members nang dahil sa takot ay hindi sumasalamin sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.

Kinalap na rin aniya ng Komisyon ang mga pangalan ng mga pulis na ito upang alamin ang dahilan sa likod ng kanilang pag-atras bilang mga electoral board members habang ipauubaya na rin nito sa liderato ng PNP ang pagsasailalim sa kanila sa kaukulang administratibong proseso.

Kung maaalala, una rito ay binigyang-diin din ng Comelec na wala itong balak na magsampa ng kaso laban sa mga gurong umatras sa pagsisilbi para nakalipas na BSKE.

Kasabay na rin ng ikinasang imbestigasyon ng poll body ukol dito upang alamin din ang mga dahilan kung bakit napilitang magsiatras ang mga ito sa kanilang panunungkulan bilang mga electoral board members para sa nakalipas na halalang pang barangay.