Sinimulan nang wasakin ng Commission on Elections (Comelec) ngayong araw ang nasa mahigit 930,000 na mga depektibong official at roadshow ballots sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, nasa 933,311 na mga balota kabilang na ang nasa 586,988 na mga depektibong official ballots ang kanilang sinira.
Gamit ang industrial cutting machines ay sisirain ang naturang mga balota na nakatakda namang itapon pagkatapos ng national at local elections sa Mayo 9, 2022.
Paliwanag ng commissioner, ang roadshow ballots ay ang mga balotang ginagamit ng komisyon upang subukin ang mga vote-counting machine (VCMs) na gagamitin para sa darating na halalan.
Habang ang mga official ballot naman na sinira ng Comelec ay yung mga balota na may mga dumi o mantsa, maling kulay, sukat, gupit at marami pang iba.
Magpapatuloy ang nasabing aktibidad na ito ng komisyon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi na magtatapos naman hanggang sa susunod na linggo.
Samantala, ipinahayag naman ni Comelec printing committee vice chair Helen Aguila-Flores na inaasahang matatapos ng komisyon ang reprinting sa 283 na mga balota para sa Conner, Apayao bukas, Mayo 8, 2022.
Magugunita na noong Enero 22 hanggang Abril 4, 2022 ay umabot sa 67,442,660 ang kabuuang bilang ng mga opisyal na balotang naimprenta ng Comelec.