Tinukoy na ng Commission on Elections (Comelec) ang 34 na barangays sa National Capital Region (NCR) at anim na probinsya na gagamiting venue para sa mock polls na pansamantalang itinakda sa Disyembre 29.
Sinabi ni Comelec deputy executive director for operations Teopisto Elnas, sa virtual press conference na inorganisa ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel), na ang mock polls ay gagawin sa NCR, Isabela, Albay, Negros Oriental, Leyte, Maguindanao at Davao del Sur.
Sa NCR, ito ay magaganap sa barangay San Pedro at San Roque sa Pateros; Ususan at Western Bicutan sa Taguig City, at Barangay 70 at 110 sa Pasay City.
Sa Isabela, napili ang barangay District 1 (Pob) at Minanil 1 ng Cauayan City; at Magsaysay at Gayong sa Cordon.
Sa Albay, napiling barangay ang Kawit East at Ilawod West sa Legaspi City; at Banawan at Caratagan sa Pioduran.
Sa Negros Oriental, isasagawa ito sa barangay Tac-lobo at Balogo sa Dumaguete City; at Poblacion at Mayabon sa Zamboanguita.
Sa Leyte, ang mock eleksyon ay sa Barangay 6 at 6-A sa Tacloban City; Barangays Pob. Zone 11 at Gaas sa Baybay City; at Barangay Ipil II at San Juan sa Palompon.
Sa Maguindanao, isasagawa ito sa mga barangay Rosary Heights 2 at Tamontaka 1 sa Cotabato City; Nanay Pob at Pob 1 sa Shariff Aguak, at Problacion at Dical sa Buluan.
Sa Davao del Sur, pinili ang mga barangay Zone 3 at San Miguel sa Digos City, at Poblacion at Talas sa Sulop.
May kabuuang 4,800 rehistradong botante ang lalahok sa mock elections kung saan 100 rehistradong botante sa bawat isa sa 32 barangays, maliban sa 70 at 110 sa Pasay City na bawat isa ay may 800 rehistradong botante.