-- Advertisements --

Sisikapin daw ng Commission on Elections (Comelec) na tapusin ang lahat ng nakabinbing disqualification case laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos sa Abril.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, posible raw itong maresolba sa ikalawang linggo ng Abril.

Ito raw ang pinakamaaga sa kanilang pagtaya at kung hindi man kakayanin ay puwede itong ilabas sa ikatlong linggo ng naturang buwan.

Sinabi ni Garcia na ito raw ang pagtaya na ibinigay sa kanya ni Comelec Chairman Saidamen Balt Pangarungan.
Una nang sinabi ni Garcia na hindi ito sasali sa pagdedesisyon ng poll body sa disqualification case ni Marcos na dati niyang kliyente sa poll protest ng dating senador kay Vice President Leni Robredo dahil umano sa iregularidad sa halalan noong 2016.

Dahil dito ay hindi na raw nakadalo si Garcia sa mga isinasagawang pagdinig ng Comelec sa mga kasong inihain kay Marcos.

Sakali namang ibasura ang mga kaso na isinampa kay Marcos ay puwede namang magpasaklolo ang mga petitioners sa Supreme Court (SC).