-- Advertisements --
image 193

Pinaalalahanan ng Commission on Elections ang mga kandidato sa Brgy at Sangguniang Kabataan Elections laban sa overspending o labis na paggastos sa panahon ng kampanya.

Ayon kay COMELEC Spox, Director John Rex Laudiangco, maaaring masampahan ang mga kandidato ng overspending at maging ng vote buying, oras na natuklasan na sila ay gumastos ng mas mataas kaysa sa dapat na gastusin, batay sa itinatakda ng batas.

Paliwanag ng opisyal hindi dapat gagastus ang mga kandidato ng mas mataas kaysa P5.00 para sa bawat botante.

Kung mas mataas pa dito ay maaari na aniyang papasok bilang kaso ng overspending.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mag kandidato na bawal ang pamamahagi ng ibat ibang mga kagamitan katulad ng mga damit, pamaypay, bag, at iba pang mga token na may mga pangalan, imahe at iba pang mga simbolo na tumutukoy sa isang kandidato o isang partido.

Ito aniya ay nakasaad sa isang Memorandum na una nang inilabas ng COMELEC, at dapat alam ng bawat kandidato.

Ayon sa COMELEC Official, patuloy silang nakabantay sa mga isyu ng overspending at iba pang mga election-related issues, kasama na ang mga local election offices sa ibat ibang bahagi ng bansa.