-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Tuloy-tuloy pa rin ang aming preparasyon para sa Barangay at Sangguniaang Kabataan Elections,” ito ang binigyang-diin ni Atty. Marino Salas, ang siyang tumatayong Provincial Election Supervisor ng COMELC Pangasinan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naging pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa postponement ng naturang halalan.

Pagsasaad pa ni Salas na bagamat may issuance na ng official statement ang COMELEC Chairman, hinihintay pa rin ng kanilang ahensya ang paglathala ng Republic Act 11935 o ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa susunod na taon na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr.

Gayunpaman, patuloy pa rin naman nilang isinasagawa ang ilan pang preparasyon para sa naturang halalan alinsunod sa kanilang Calendar of Activities, kung saan naman ay magkakaroon lamang sila ng kaunting mga adjustments, at gayon na rin ang pagpapatuloy ng ilan pang mga aktibidad na may kaugnayan sa Commission on Elections.

Kaugnay nito ay binigyang-linaw din ni Salas na hindi masasayang ang mga inimprentang mga balota para sa taong ito dahil maliban sa mga nilalaman ng mga voting ballots ay tanging ang petsa lamang ang maibaba sa mga ito. Pinagtibay naman ito ng pahayag ng COMELEC na walang masasayang na kahit na piso sa mga nagastos ng ahensya dahil magagamit pa rin ang lahat ng materyales na binili at inihanda nila sa susunod na taon.

Nilinaw naman ni Salas na hindi gagamit ng panibagong pondo ang COMELEC sa ngayon, dahil mayroon pa namang pondo ang ahensya para sa taong ito habang mayroon namang nakahiwalay na budget ang ahensya para sa continuing registration. Subalit, binigyang-diin din ni Salas na gagamit ang COMELEC ng panibagong pondo para sa susunod naman na taon para sa ibang programa ng komisyon.

Kaugnay pa nito ay ipinahayag din ni Salas na bagamat malinaw na nakasaad sa Republic Act 11935 na pinirmahan ng Punong Ehekutibo na mayroon silang overcapacity, hindi naman nakasaad sa panukalang batas kung maaari pa o hindi na sila pwedeng tumakbo sa susunod na ekesyon, partikular na ang mga opisyal na tatakbo sa pangatlong termino.