Nilinaw ng Commission on Elections na hindi ito magsasampa ng kaso laban sa mga gurong umatras sa pagsisilbi para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Giit ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, pinahahalagahan ng komisyon ang mga pagsusumikap ng mga guro kasabay ng paglalarawan sa mga ito bilang mga bayani.
Bukod dito ay ipinunto rin ng opisyal na hindi niya gugustuhin na sampahan ng kasong kriminal ang mga guro sapagkat ang mga ito aniya ay maaaring magsilbing muli sa mga susunod na halalan.
Bagkus, ang mga dapat na kasuhan aniya ay ang mga taong patuloy na nananakot sa mga guro lalo ma tuwing panahon ng eleksyon.
Dahil dito ay gustong paimbestigahan ngayon ni Garcia ang dahila kung bakit napilitang magsiatras ang mga gurong manunungkulan sana sa nakalipas na BSKE upang malaman kung pinagbantaan ba ang mga ito at upang maiwasan na rin ang ganitong uri ng sitwasyon sa hinaharap.
Samantala, gayunpaman ay nakasalalay naman na aniya sa magiging desisyon ng Department of Education kung kinakailangan pang magsampa ng kasong administratibo laban sa mga gurong umatras sa kanilang tungkulin sa BSKE 2023.