Nangangailangan ngayon ng dagdag na pondo ang Commission on Elections bilang pambayad sa mga school utilities na gagamitin para 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, magpo-propose na ng budget sa Department of Budget and Management ang komisyon para sa 2025 elections kung saan pinasama na rin aniya ang pondo na pambayad sa paggamit ng utilities ng mga paaralan na gagamitin sa naturang halalan.
Aniya, sakaling mapahintulutan na magbayad ang Comelec ng kuryente o tubig ay gagamitin ng komisyon ang billing ng eskwelahan na kanilang gagamitin para sa naturang halalan.
Paliwanag ni Garcia, ito ay bilang pagtugon sa isa sa mga request ni Vice President Sara Duterte, sapagkat sa tuwing panahon kasi aniya ng halalan ay ginagamit ng komisyon ang mga paaralan ngunit ang DepEd naman ang nagbabayad ng tubig at kuryente nito.
Gayunpaman, aminado naman si Garcia na may kaunting palaisipan ngayon kung paano malalaman ng Comelec ang halaga ng kailangang bayaran ng DepEd .
Samantala, bukod dito ay ipinunto rin ni Garcia na kinakailangan din talaga ng dagdag na budget ng komisyon para naman sa honoraria ng mga gurong magsisilbi ng 2025 midterm elections.