Ibinida ng Commission on Elections (Comelec) ang dami ng bilang ng mga bagong botante na nagpatala mula nang buksan nito ang kanilang voters registration sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng komisyon, aabot na sa halos 600,000 o 597,655 na mga bagong botante ang nakapagparehistro na sa komisyon.
Kabilang na rito ang nasa 264,994 na mga bagong rehistrong botante na may edad na 15 hanggang 17, at 268,425 na mga botanteng may edad na 18 hanggang 30 taong gulang.
Ayon sa Comelec, mula noong Disyembre 12, 2022 na petsa ng pagpapatuloy ng registration nito kabilang na rin ang kickoff ng kanilang Register Anywhere Project sa ilang piling mall, unibersidad, at government agency ay pumalo nasa 1,023,212 ang bilang ng mga application na kanilang natanggap.
Bukod dito ay tumanggap din ng mga application para sa transfer registration ang poll body.
Samantala, hanggang sa Enero 31, 2023 nakatakdang magtapos ang voter’s registration ng Comelec.