Maaaring kailanganin ang special election upang makahanap ng kapalit para sa pinatalsik na Negros Oriental 3rd District Rep. na si Arnolfo Teves Jr.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na handa ang poll body na magdaos ng special election kung ipag-uutos ng House of Representatives.
Aniya, ang panawagan para sa mga special election ay exclusive discretion ng Kamara de Representates.
Dagdag ni Garcia, ang 3rd district ng Negros Oriental ay kailangang katawanin kaagad sa Kongreso matapos ang pagpapatalsik kay Teves.
Binigyang-diin din niya na si Teves ay hindi permanenteng disqualified mula sa paghahanap muli ng pampublikong opisina.
Ngunit sinabi niya na walang sapat na panahon para sa Comelec na isagawa ang special election kasabay ng halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre 30.
Nauna nang bumoto ang 265 na miyembro ng House of Representatives na patalsikin si Teves, gaya ng inirekomenda ng committee on ethics nito, dahil sa hindi maayos na pag-uugali.
Si Teves, na iniuugnay sa pamamaslang noong Marso 4 kay Negros Oriental governor Roel Degamo, ay hindi pa umuuwi sa bansa mula nang maghain ng medical leave noong Pebrero.