-- Advertisements --

Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila basta-basta pinasok at pinagbabaklas lamang ang mga illegal campaign posters sa loob ng mga private properties.

Paglilinaw ito ni Comelec spokesperson Dir. James Jimenez matapos na batikusin ang umano’y trespassing ng mga kawani ng poll body sa kasagsagan nang Oplan Baklas.

Ayon kay Jimenez, nagpaalam ang mga Comelec officials bago pa man baklasin ang mga nakita nilang campaign materials na hindi sumusunod sa mga panuntunan na nakalatag.

Para naman doon sa mga tumangging papasukin sa kanilang private properties ang mga tauhan ng Comelec, sinabi ng opisyal na binibigyan din naman ang mga ito ng tatlong araw na notice para baklasin ang mga nasitang campaign materials.

Pero kung nasa labas naman aniya nakadikit ang mga illegal campaign posters na ito, iginiit ni Jimenez na talagang babaklasin ng Comelec ang mga ito.

Paalala pa niya na ang freedom of speech aniya ay hindi absolute.


Nauna nang sinabi ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na karapatan ng taumbayan na huwag papasukinan ang sinuman sa loob ng kanilang private property.