-- Advertisements --

Muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga gustong kumandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre na tuloy na tuloy ang paghahain ng certificate of candidacy sa susunod na buwan.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, isasagawa ito sa kabila ng mga panawagang ipagpaliban ang halalan sa Mayo o sa buwan ng Disyembre sa susunod na taon.

Ang filing ng certificates of candidacy (COC) ng mga kakandidato para sa 2022 barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ay nakatakdang isagawa sa October 6 hanggang 13.

Pero base sa calendar of activities ng Comelec, wala namang COC filing sa October 9.

Ang election period ay mula October 6 hanggang December 12 na siya namang hudyat ng duration ng Comelec gun ban.

Ang campaign period ay magsisimula sa November 25 hanggang December 3.

Kapag natuloy naman daw ang December 5 BSKE elections ang botohan ay magaganap dakong alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ang huling araw para sa paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa Enero 4, 2023.

Kung maalala, noong nakaraang buwan, pinagbotohan ng House Suffrage and Electoral Reforms committee na ipagpaliban ang halalan at nais nilang isagawa sa December 4, 2023.