Pansamantalang isasara ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng kanilang opisina sa Intramuros, Manila simula ngayong araw dahil na rin sa mga nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mga empleyado.
Mananatiling nakasara ang Main Office at mga opisina ng Regional Election Director of National Capital Region (NCR), Region IV-A at Region IV-B hanggang Marso 24, 2021.
Ang pansamantalang pagsasagara ng mga opisina ay ipinatupad bilang precautionary measure para maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 matapos mapaulat na mayroong nangyaring hawaan sa mga empleyado ng nakamamatay na sakit.
Kasabay nito, inabisuhan naman ng Comelec ang publiko na patuloy pa rin ang transaksiyon sa pamamagitan ng kanilang Facebook at Twitter accounts na bukas para sa mga katanungan ng ating mga kababayan.
Patuloy pa rin umano ang paghahanda ng Comelec sa plebesito sa Palawan maging ang paghahanda sa 2022 National and Local Elections.
“We wish to assure the public, however, that work remains unhampered. Preparations for the Palawan Plebiscite as well as the 2022 National and Local Elections are underway and will continue to be undertaken by the officials and employees responsible,” ani Comelec Spokesperson James Jimenez.