Maiging susuriin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga akusasyon laban sa nag-iisang bidder na South Korean firm na Miru Systems Company Limited sa isasagawang post-qualification process ng bidding para sa pagbili ng bagong automated election system (AES) na gagamitin sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia na kahit nag-iisang bidder para sa procurement project ang Miru, hindi awtomatikong ibibigay ng poll body sa naturang kompaniya ang proyekto.
Kailangang sumalang muna ang kompaniyang Miru sa isang post-qualification evaluation na magbubunsod naman sa Comelec Special Bids and Awards Committee (SBAC) na siyasatin ang technical requirements na itinakda para sa 2025 automated election gayundin ang pagberipika sa lahat ng mga dokumentong isinumite ng Miru.
Ayon kay Comelwc chair Garcia, sakaling mapatunayang nagsisinungaling ang Miru maaari itong madiskwalipika na maaaring humantong sa pagdedeklara ng komisyon ng failure of bidding.
Sakali namang magkaroon ng failure of bidding, sinabi ni Garcia na mapipilitan ang Comelec na gumawa ng ibang paraan gaya ng tinatawag na negotiated procurement.
Ang hakbang na ito ng poll body ay kasunod na rin ng panawagan ng election watchdog na Democracy Watch Philippines sa Comelec na suriin ang track record ng Miru dahil sa umano’y bumabLot na kontobersiya sa naturang kompaniya kabilang ang alegasyon ng palpak at kwestyonableng mga proyekto nito sa halalan sa Iraq at Democratic Republic of Congo.