Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang “Operation Baklas” sa mga susunod na araw para tanggalin ang labag sa batas na mga campaign materials na ipinost ng mga kandidato para sa BSKE sa Oktubre 30.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sisimulan na nilang tanggalin ang mga illegal campaign materials kapag naproseso na ang lahat ng certificates of candidacy (CoC) na inihain.
Aniya, hindi nila papayagan ang anumang paraphernalia kahit walang nakasulat na “Vote For”.
Aalisin din ng Comelec ang mga poster ng mga kandidato sa pampubliko o pribadong lugar.
Giit ni Garcia, na itinuituring itong premature campaigning lalo’t aniya katatapos lamang ng COC filing.
Idinagdag niya na ang mga post sa social media na nagpo-promote sa kandidato bago magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya ay mga paglabag din sa mga tuntunin sa halalan.
Kaugnay niyan, ang panahon ng pangangampanya para sa BSKE ay magsisimula sa Oktubre 19 hanggang 28 at ang mismong halalan ay nakatakda sa darating na Oktubre 30 ng taong kasalukuyan.