-- Advertisements --

Nasa 1.5 million kabataang naka-enroll sa mga Child Development Centers sa bansa ang inaasahang magiging benepisyaryo sa nakatakdang pagpapatupad ng Supplementary Feeding Program ng DSWD ngayong buwan.

Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, nasa P5.1-billion na pondo ang inilaan para sa programang tatagal ng 120 days at maaaring mapalawig sa 180 days, depende kung may sobrang pondo.

Sinabi ni Gatchalian na ang nasabing pondo ay ida-download sa mga lokal na pamahalaan na kanilang gagamitin sa pagbili ng sangkap at pagkain para sa rollout ng programa.

Paliwanag ni Gatchalian, naka-depende sa bilang ng naka-enroll na estudyante sa bawat CDC ang pondong ibibigay sa mga LGU, pero kailangan sumunod sa itinakdang budget na P25 per meal sa kada estudyante.

Ibabase sa rekomendasyon ng “Pinggang Pinoy” ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga pagkaing ihahain sa mga benepisyaryo, para masigurong masustansya at may nutritional value ang kakainin ng mga bata.