Umapela ang Embahada ng Pilipinas sa Israel sa lahat ng Pilipino na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at sundin ang mga alituntunin ng seguridad, matapos ilagay ng Israel Defense Forces (IDF) ang bansa sa ilalim ng essential activity status dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa ilalim ng status, kanselado na ang klase sa lahat ng paaralan; ipinagbabawal na rin ang mga pagtitipon at tanging mga nasa essential services lamang ang pinapayagang magtrabaho.
Pinayuhan din ng Embahada ang mga Pilipino na maging handa sa pagtakbo patungo sa mga shelter, safe room, o evacuation area sakaling magkaroon ng missile alert.
Ang kautusang ito ay epektibo mula Hunyo 22 (Linggo) ng 3 a.m. hanggang Hunyo 23 (Lunes) ng 8 a.m.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), 223 Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation, kung saan 26 ang inaasahang pauuwiin sa mga susunod na araw.
Isa ang nasa kritikal na kondisyon habang pito ang nakalabas na ng ospital. Umabot naman sa 88 na kabahayan ng mga Pilipino ang nasira dahil sa mga airstrike, at 80 sa kanila ang nailikas na sa mas ligtas na lugar.
Itinaas na rin ng gobyerno ng Pilipinas sa Crisis Alert Level 3 ang estado sa Israel at Iran, at hinihikayat ang mga Pilipino roon na mag-avail ng voluntary repatriation.
Maaaring kontakin ang Embahada sa kanilang hotline number na +972 54-4666118.