Aabot sa 100,000 na indibidwal ang napatunayang may multiple voter registrations ang malapit nang kasuhan ng election offenses.
Ito ang kinumpirma ng sinabi ng Commission on Elections kahapon.
Sa isang pahayag sinabi ni poll body spokesperson John Rex Laudiangco na ang bilang ay bahagi ng halos kalahating milyong rehistrong natukoy nila noong 2023.
Ayon kay Laudiangco, ang pagparehistro ng higit sa isa o flying voters ay malinaw na isang paglabag o isang election offense.
Ang kaso sa election offense ay may parusang isa hanggang anim na taong pagkakulong, pagtanggal ng karapatang bumoto at diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong tungkulin.
Aniya, ang pagsasampa ng mga kaso ay dapat magsilbing babala laban sa mga nagbabalak na mag-aplay para sa higit sa isang pagpaparehistro.
Binalaan din sila ni Laudiangco na malalaman ng Comelec ang mga ganitong pagtatangka.
Samantala, sinabi ni Laudiangco na nasa 175,000 aplikasyon para sa pagpaparehistro ang natanggap ng poll body sa ikalawang araw ng voter registration period para sa May 2025 midterm elections.
Sinabi naman ni Comelec chair George Erwin Garcia na halos dumoble ang bilang noong Martes sa bilang ng mga nagparehistro sa pagsisimula ng registration period noong Lunes.
Kasabay nito, sinabi ni Garcia na naghahanda na sila sa pag-tap sa mga religious establishment na pag-aari ng Simbahang Katoliko, Iglesia ni Cristo, Jesus is Lord Church at El Shaddai bilang satellite registration venues.
Aniya, pinaplano rin nilang dalhin ang proseso ng pagpaparehistro sa Camp Abu Bakar na pag-aari ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Inaasahan ng Comelec na may 3 milyong bagong rehistradong botante sa loob ng pitong buwang voter registration period.