Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nakitaan nila ng ilng discrepancy o hindi pagkakatugma sa bilang ng mga botong nakalap para sa mga tumatakbong kandidato ay partylist group sa ginanap na overseas voting at sa bahagi ng North Cotabato.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia ang naturang discrepancies ay nakita nang pagkumparahin ang mga certificate of canvass (COCs) at statement of votes by precinct (SOVP) sa mga bansang Nigeria, Czech Republic, Mexico, Myanmar, Vatican, Timore Leste, Norway, at 63 mga barangay sa North Cotabato.
Ngunit ipinaliwanag ni Garcia na sa tuwing nagkakaroon aniya ng ganitong mga pagkakataon, tanging ang SOVP lamang ang kanilang susunding bilang dahil sa ito aniya ang source document ng mga COC.
Dagdag pa ng commissioner, ang pagkakaroon ng discrepancy sa mga COC ay isa sa mga pangunahing problemang nakikita sa manual elections.
Dahil kasi aniya sa pagod, puyat, at pagkalito ng mga gurong nagsisilbi tuwing eleksyon ay hindi maiwasang magkaroon ng mga pagkakamali sa pagta-transfer ng mga results.
Ito na rin ang dahilan kung bakit napakahalaga ng tabulation at audit group ng National Board of Canvassers (NBOC) upang agad anila na masuri kung tama ba ang computation ng mga boto.
Samantala, pinawi naman ni commissioner Garcia ang agam-agam ng publiko hinggil sa usapin na ito dahil hindi naman daw ito ganon kalaki upang makaapekto sa resulta ng nagdaang halalan.