Hindi bababa sa 91 na kandidato para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nabigyan ng show cause order dahil sa umano’y mga paglabag sa halalan tulad ng premature campaigning, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman Geirge Garcia, binigyan ang mga kandidato ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng show cause order para ipaliwanag ang kanilang panig hinggil sa mga akusasyon.
Matatandaan na paulit-ulit na nagbabala laban sa premature campaigning ang poll body dahil ang campaign period ay tatakbo lamang mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Dagdag pa ni Garcia, may kapangyarihan ang Comelec na mag-imbestiga at maghain ng sariling reklamo laban sa mga kandidatong nakagawa ng mga paglabag sa halalan.
Kahit na ang paglalagay ng mga poster at pagpo-promote ng kanilang sarili sa social media bago magsimula ang panahon ng kampanya ay maaaring ituring na maagang pangangampanya.
Nauna nang hinimok ni Garcia ang mga botante na magsampa ng mga reklamo laban sa mga kandidato ng BSKE na mangampanya bago pa man magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya.
Ang BSKE 2023 ay gaganapin sa Lunes, Oktubre 30.