Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) si dating commissioner Rowena Guanzon na magkomento sa petisyon na naghihimok na kanselahin ang kaniyang certificate of nomination bilang kinatawan ng P3PWD party-list.
Ang petisyon ay inihain ni National Youth Commission (NYC) Undersecretary Ronald Cardema.
Sa naturang kautusan na may petsa Hulyo 6, inatasan ng Comelec First Division si Guanzon para magsumite ng kaniyang sagot sa loob ng non-extensible period ng 3 calendar days pagkatanggap ng naturang direktiba.
Una ng naupo bilang representative ng P3PWD si Guanzon matapos garantiyahan ng Comelec en banc ang request ng original nominees ng partido para mag-withdraw.
Magugunita na tinutulan nina Duterte Youth party-list Representative Ducielle Cardema at kaniyang asawa ang substitution of nominees ni Gunazon bilang kinatawan ng P3PWD Party-list subalit ito ay ibinasura ng Comelec.
Kinuwestyon naman ng Duterte Youth Party-list ang naging desisyon ng Comelec kung kayat kanila ng idinulog ang kaso sa Korte Suprema.
Noong June 29, nag-isyu ng restraining order ang SC sa House of Representatives mula sa pagpapahintulot kay Guanzon at sa iba pang substituting nominees na maupo sa pwesto habang nakabinbin ang petisyon na inihain ng Duterte Youth Party-list.