Maaaring ikonsidera ng Commission on Elections (Comelec) ang localized postponement o pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ilang lugar sa Negros Oriental.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hindi na kailangan pang ipagpaliban ang lokal na halalan sa ilang bayan ng Negros kung wala namang ebidensiya na may takot ang mga mamamayan doon na bumoto.
Matatandaan na noong Lunes, hinimok ng 9 na alkalde ang Comelec na ipagpaliban ang BSKE sa Negros Oriental dahil umano sa matagal ng atmosphere of terror o pananakot sa kanilang lalawigan kasunod ng pagpaslang kay Gobernador Roel Degamo, at iba pang political killings.
Ang joint statement ay nilagdaan ng biyuda ni Governor Degamo na si Pampolona Mayor Janice Degamo kasama ang mga alkalde ng Dauin, San Jose, Dumaguete, Bindoy, Siaton, Ayungon, Guihulngan, at Tayasan.
Kasalukuyan ding nagsasagawa ng tatlong araw na konsultasyon ang poll body sa naturang usapin subalit posible aniya na matagalan ng bahagya na makapagpasya dahil kailangang makapag-establish muna ng legal na basehan para sa pagpapaliban ng lokal na halalan sa naturang lalawigan.
Ayon pa kay Garcia, maglalabas sila ng desisyon sa huling linggo ng Setyembre hanggang sa unang linggo ng Oktubre.
Anuman aniya ang desisyon ng Komisyon ay palaging nakabatay ito sa kung ano ang interes ng mamamayan ng lalawigan at ng demokrasya.