-- Advertisements --
image 140

Idineklara na ng Commission on Elections na unserviceable o hindi na maaaring gamitin pa ang mga vote counting machine na unang nagamit sa nakalipas na tatlong halalan, o noong 2016, 2019, at 2022 elections.

Ayon kay COMELEC Spokeperson John Rex Laudiangco, hindi na maaari pang gamitin ang kabuuang 98,000 VCM sa kahit anong paraan, katulad ng Licensure Exam o Civil Service Exam.

Paliwanag ni Laudiangco, ang mga nasabing makina kasi ay lumagpas na sa kanilang lifespan na limang taon.

Maliban dito, aminado rin ang COMELEC official na hindi na sila makahanap ng mga suppliers para sa spare parts para palitan o ayusin ang anumang nasirang bahagi.

Mula sa 98,000 na VCM kasi, 1,600 dito ay totally broken, kung saan 800 sa kanila ay nasira sa mismong araw ng halalan.

Umaasa naman ang opisyal na aaprobahan na ng Kongreso sa lalong madaling panahon ang budget ng nasabing komisyon para makabili na ito ng mga bagong VCM, na akma sa gusto nitong technical specifications.

Samantala, inaasahan naman ng COMELEC na lolobo sa 127,000 ang bilang ng mga presinto sa buong bansa, para sa 2025 elections.