Siniguro ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi tatanggalin ang mga isinasagawang random manual audit sa tuwing isinasagawa ang eleksyon sa Pilipinas.
Ang random manual audit ay isinasagawa ng komisyon upang ikumpara ang boto ng mga makina sa mga balotang ipinapasok sa mga ito. Tinitingnan din dito kung akma o tugma ang mga lumalabas na resulta.
Ayon kay Chairman Garcia, napatunayan nilang epektibo ang naturang paraan upang matukoy kung tapat o tama ang resulta ng halalan.
Paliwanag ng opisyal, isinagawa rin ang manual audit sa mga nakalipas na halalan at natukoy kung gaano ito ka-epektibo para matiyak ang maayos na resulta.
Sa kabila aniya ng pagiging matrabaho nito dahil sa manual pa rin itong isinasagawa, nakakatiyak ang komisyon na mababawasan ang anumang pagdududa sa kredibilidad ng mga isinasagawang halalan.