Tinalakay ngayong araw ng Comelec, DepEd at ng DICT ang kanilang ginagawang mga paghahanda para gawing COVID-19-proof ang 2022 national at local elections.
Sa isang forum na inorganisa ng Namfrel, ibinahagi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas Jr. ang listahan nila ng mga preventive measures na ipapatupad para maprotektahan ang mga poll watchers, volunteers, at botante sa May 9 elections.
Bukod sa mandatory na pagsusuot ng face masks, physical distancing, at hand hanitation, magkakaroon din ng temperature checking sa entrance ng voting precinct, magkakaroon ng hiwalay na entrance at exit points, health stations at holding areas, at maglalagay din sila ng plastic barriers sa pagitan ng electoral board at voters.
Sinabi rin ni Elnas na magiging 10 hanggang 15 botante lamang ang papayagan sa loob ng polling place sa anumang oras, na magsisimula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon kay DICT Usec. Emmanuel Rey Caintic, ng dahil sa pandemya ay posibleng kailanganin din ng RT-PCR tests para sa mga guro sa pampublikong paaralan at iba pang volunteers sa halalan.
Iminungkahi rin ng DICT na maisama sa training ng 2022 National Electoral Board ang pag-set up ng digital signature registration booths sa physical training premises.