Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Spokesperson Undersecretary Albert Domingo na mayroong sakay na 38 Pilipinong crew members ang MV Hondius.
Ito ay isang cruise ship na pinagsususpetsyahang may hantavirus outbreak na kumitil na ng tatlong katao. Nakadaong ang cruise ship sa Cabo Verde sa Atlantic Ocean.
Ayon kay USec Domingo, may sakay na mahigit 100 pasahero at crew members ang naturang cruise ship kung saan 38 rito ay mga Pilipino.
Subalit, nilinaw ng DOH official na walang sakit ang mga Pilipinong crew members, base na rin sa World Health Organization (WHO) at International Health Regulations.
Inaantabayan din ng ahensiya ang pagpapauwi sa mga Pilipinong crew member na sakay ng cruise ship dahil nakasalalay aniya ang repatriation sa operator ng cruise ship.
Paliwanag pa ni USec. Domingo, ang hantavirus ay hindi na bago at bihirang sakit na nakukuha sa pagkakalantad sa dumi o ihi ng mga daga na infected ng hantavirus.
Dito sa Pilipinas, walang naitatalang kaso ng hantavirus, ayon kay USec. Domingo. Mayroon aniyang mga dati ng mga ulat noon pang 1992 subalit kanila pa itong biniberipika kung pareho ba itong kaso ng hantavirus.
“Sa katunayan po, hindi pa kami makumbinsi, mayroong mga lumang-lumang report 1992 pa na pinapahanap namin yong mga papel kung ito nga ba ay hanta kasi baka iba siya,” saad ni USec. Domingo.
Ang mga sintomas ay mala-trangkasong sakit gaya ng lagnat at pananakit ng katawan, na halos kahawig ng leptospirosis at dengue.
Binigyang-diin naman ni USec. Domingo na malayo ang lugar kung saan naitala ang kaso ng hantavirus, hindi rin gumagalaw ang bapor dahil nakadaong ito at kasalukuyang isinasailalim sa quarantine.
Sa kabila nito, tiniyak ni USec. Domingo na nakabantay ang kagawaran sa sitwasyon gayundin ang Bureau of Quarantine, alinsunod sa utos ng Pangulo.
Pinawi din ng opisyal ang pangamba ng publiko sa naturang sakit. Aniya, walang dapat na ikabahala, sa halip mas nababahala ang DOH sa dami ng kaso ng tuberculosis at bilis ng hawa ng HIV.
















