Nakatakda raw dumulog si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon kay Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Sen. Imee Marcos para pa rin sa isyu ng isang taong ban sa mga nominees ng partylist groups.
Kasunod pa rin ito ng pagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Presidential Communications Operation Office (PCOO) Asec. Mocha Uson bilang bagong Deputy Executive Director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Iginiit nitong nararapat lamang umanong makasama ang mga natalong partylist nominees sa umiiral na one year appointment ban sa ano mang pwesto sa gobyerno.
“I am appearing in the Committee of Sen. Imee (Marcos). I will propose (that the) ban should cover party-list nominees,” ani Guanzon sa kanyang Twitter account.
Una nang sinabi ni Guanzon, hindi dapat maituring na “favored class” ang mga partylist group dahil hindi naman sila “protected class.”
Maalalang nominee si Uson ng AA-Kasosyo partylist noong May 2019 elections pero hindi pinalad na makakuha ng pwesto sa Kongreso.
Una rito, Mayo 2017 nang maupo si Uson bilang assistant secretary ng PCOO pero nagbitiw noong isang taon matapos ang ilang kinasangkutang kontrobersiya.