Inupakan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang dating National Youth Commission (NYC) Chair Ronald Cardema na umatras na sa pagiging first nominee ng Duterte Youth Partylist.

Kinuwestiyon ni Guanzon ang paninisi ni Cardema na siya ang dahilan ng pag-atras nito sa puwesto.

Una rito, nagsumite na ng kanyang notice of withdrawal sa Comelec si Cardema bilang nominee ng Duterte Youth Partylist.

Sa isinumiteng dokumento ni Cardema na inilabas ni Guanzon sa kanyang official twitter account na may petsang September 13, 2019, inihayag ni Cardema ang kanyang intensiyon na tuluyan nang umatras sa pagiging first nominee ng kanilang partido.

Ayon kay Cardema, hanggang ngayon ay hindi pa naipoproklama ang kanilang nominado sa kongreso dahil sa aniya’y harassment sa kanya ni Guanzon.

Sinabi ni Cardema na bagamat umaasa silang papanig sa kanilang motion for reconsideration ang Comelec en banc at poprotektahan aniya sila mula sa harassment ng inaakusahang Commissioner, mas minabuti na niyang mag-withdraw sa kanyang nominasyon para isakripisyo ang sarili pabor sa kanilang partido.

Ayon kay Cardema, ito ay para makapagpalabas na rin ang Comelec ng certificate of proclamation sa aprubadong nominee ng Komisyon.

Nilinaw naman ni Commissioner Guanzon na wala pang nagiging aksyon o desisyon ang Comelec En banc sa notice of withdrawal ni Cardema.

Maalalang kinuwestiyon ng iba’t ibang grupo ang ligalidad ng pagiging first nominee ni Cardema ng Duterte Youth Partylist dahil sa kanyang edad na 34-anyos.

Naging mainit din ang sagutan ng dalawa sa mga interviews maging sa social media.