Inamin ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na mabigat ang kanyang loob na tinatanggap ang pagkaka-bypass ng kanyang appointment sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Sa kabila nito tiniyak ni Pangarungan na nananatili pa rin daw ang kanyang mataas na pagrespeto sa mga miyembro ng CA.
Naintindihan din daw niya na ang hindi pagkakaapruba sa kanya ay bunsod ng kakulangan ng quorum kung saan nadamay na rin ang dalawa pa niyang commissioners at iba pang ahensiya.
Kaugnay nito, nagpaalam na rin si Pangarungan sa mga kawani ng Comelec kasabay nang kanyang panghihinayang na hanggang ngayong araw na lamang ang kanyang ad interim appointment.
Ipinagmalaki rin niya ang achievement ng komisyon sa ilalim ng kanyang liderato sa kabila ng maiksing panahon ng panunungkulan.
Aniya, nitong nakalipas na 2022 national at local elections ang pinakamatiwasay at mapayapa sa kasaysayan ng halalan.
Naging record breaking din umano na mabilis na natapos ang bilangan.
Habang ipinaliwanag din niya na naging matagumpay ang pagdepensa ng Comelec sa karapatang bomoto ng taongbayan kung saan ang turnout ng mga bomoto ay umabot sa record na 83.07%.
“It is with a heavy heart that I accept such outcome but I would like to restate my utmost respect to the actions of the CA. As we enter the administration of President-elect Marcos, the COMELEC will stand proud of our achievement in the 2022 National and Local Elections,” ani Pangarungan sa statement. “I believe that I would have been confirmed by the CA had there been a quorum.”
Samantala para naman sa na-bypass din na si Comelec Commissioner George Erwin Garcia, sinabi nito na pinaghandaan na niya ang worst case scenario kung saan nariyan naman talaga ang posibilidad na hindi sila makapanatili sa puwesto.
Katunayan, nakapag-empake na raw siya ng mga gamit bago pa humarap sa pagdinig ng CA.
Maging ang mga tauhan umano ng kaniyang opisina ay nag-farewell na nitong nakalipas na araw.
Para kay Garcia, mas mahirap ang umasa sa positibong pangyayari dahil hindi naman lahat ng nais natin ay natutupad.