-- Advertisements --
image 137

Bumuo ang Commission on Elections (Comelec) ng isang pormal na komite na naatasang makipag-ugnayan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas para tugunan ang vote-buying at vote-selling sa bansa.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, na isang formal Committee on Kontra Bigay na ang kanilang nilikha na dating Task Force Kontra Bigay na sinimulan noong 2019.

Ito rin ay upang mas magiging maayos aniya ang coordination sa mga law enforcement agencies.

Mayroon specific na opisina ang Comelec na tututok sa issue ng vote-buying na kung saan ang commissioner-in-charge para sa Committee on Kontra Bigay ay si Commissioner Ernesto Maceda Jr.

Habang lumikha sila ng komite laban sa pagbili ng boto, umapela si Laudiangco sa Kongreso na muling bisitahin at pag-aralan ang kahulugan ng vote-buying at vote-selling.

Sa pagbanggit sa kanyang karanasan sa Comelec Law Department, sinabi ni Laudiangco na nahihirapan ang poll body sa pag-uugnay ng ebidensya ng vote-buying sa mga kandidato.

Kaya, sinabi ni Laudiangco na dapat palawakin ang definition ng vote-buying, at kasama na rin aniya ang iba pang modernong paraan ng pakikipagtransaksyon sa mga botante tulad ng bank transfer at online wallet.

Noong 2022 national at local elections, muling inilunsad ng Comelec ang Task Force Kontra Bigay para maiwasan ang pagbili ng boto sa panahon ng kampanya.

Ang naturang task force, na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino, ay binubuo ng ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Justice, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Information Agency.