-- Advertisements --

Bubuo ng isang task force ang Commission on Election (Comelec) na layuning imbestigahan ang mga napapaulat na vote buying para sa paparating na halalan sa darating na Mayo 9.

Ipinahayag ito nio Comelec commissioner George Garcia at kasabay ng pagsasabing seryoso ang komisyon pagdating sa usapan ng vote buying.

Ito ay matapos na mapaulat na may ilang mga kandidato ang namimigay ng pera sa mga tao sa kanilang mga campaign events.

Isa na rito ay ang pamamahagi ng cash prizes ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa isang contest na kanyang sinimulan sa UniTeam rally na idinepensa naman niyang personal iniative daw ito at ginawa niya ito bago pa man ang pagdating nina presidential aspirant Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.

Binigyang-diin naman ni Commissioner Garcia na tanging maaaksyunan lamang ng Comelec ang isang vote buying incident kung mayroong pormal na maghahain ng reklamo ukol dito.

Dagdag pa niya hinggil naman sa ginawang pamimigay ng pera ni Remula ay inamin ng commissioner na ito ay hindi papatak sa ilalim ng mga rules ng Comelec dahil ang pormal na campaign period aniya ng mga local candidate ay magsisimula pa lamang sa darating na Marso 25.