Opisyal nang binuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang bidding para sa P18.827-billion lease contract para sa bagong automated election system para sa 2025 midterm polls.
Inihayag ni Comelec chairperson George Garcia, na naipost na sa Philippine Government Electronic Procurement System ang kanilang gagawing procurement sa makinang gagamitin sa 2025.
Hinihikayat ng COMELEC ang lahat ng mga supplier sa buong bansa at sa buong mundo na lumahok sa nasabing procurement.
Ang kopya ng Invitation to Bid para sa lease ng Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) para sa 2025 National and Local Elections ay naibahagi ng rin ng poll body.
Ayon kay Garcia, kasama sa procurement ang hardware, software, transmission at internet voting para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Binanggit ito ng Comelec chief habang inulit niya ang kahalagahan ng pagiging fully automated ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Matatandaan na ang mga panukalang ganap na i-automate ang BSKE ay iminungkahi sa Kongreso na nag-udyok sa Comelec na magsagawa ng pilot test sa tatlong polling sites nito lamang nakaraang lokal na halalan.