-- Advertisements --

Pinuna ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang mababang collection rate ng PhilHealth sa mga overseas Filipino workers.

Sa pagpapatuloy ng joint committee hearing ng Kamara sa mga anomaliya sa PhilHealth, natukoy na sa 3 million OFW members sa database ng ahensya, tanging 320,000 lamang ang active members.

Mas mababa pa ito sa kalahati sa 767,000 active members na naitala noong 2010, ayon kay Quimbo.

Sinabi ng kongresista na base sa 2019 report ng PhilHealth, ang kabuuang koleksyon ng state health insurer sa mga OFWs ay nagkakahalaga lamang ng P1.02 billion, pero ang claims ng mga ito ay pumapalo sa P1.7 billion.

Ayon kay PhilHealth Overseas Filipino Program senior manager Chona Yap, nagsimula noong 2015 ang bilang ng mga active members nilang OFWs.

Ito ay nang tinanggal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mandatory na pagbayad ng mga OFWs ng PhilHealth premiums bago makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) para makapagtrabaho sa labas ng bansa.

Sa ngayon, patuloy ang negosasyon aniya ng PhilHealth sa POEA para muling ibalik ang polisiyang ito.

Mismo ang Department of Justice at Office of the Solicitor General na rin aniya ang nagsabi na okay lang na muling ibalik ang naturang polisiya.

Makakatulong din ayon kay Yap kung magkaroon din aniya ng representatives abroad ang PhilHealth katulad ng SSS at Pag-ibig para sa mas maayos na pagkolekta ng premiums sa mga miyembro dahil sa ngayon ay umaasa lamang ang ahensya sa mga collecting agents.