BOMBO NAGA – Labis na kalungkutan ang naramdaman ng may-ari ng isang coffee shop sa lungsod ng Naga matapos na tupukin ng apoy ang kaniyang negosyo, kagabi, Pebrero 2, 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Wren Louise Almendral, may-ari ng nasabing coffee shop, sinabi nito na bandang alas-6 ng gabi ng lumabas ang kaniyang mga cook mula sa kitchen at sinabing nasusunog ito.
Aniya, maliit pa lamang ang apoy ng pumasok ito sa lugar ngunit sa loob lamang ng ilang segundo ay lumaki at kumalat na ito sa buong kitchen dahil na rin sa gawa ito sa mga light materials.
Sinubukan pa umano nilang gumamit ng fire extinguisher ngunit hindi na nito kinayang apulahin pa ang sunog.
Pinagpapasalamat naman ni Almendral na walang mga costumer na nadamay sa insidente, lalo na at mayroong nasa 30-40 katao ang nasa loob ng coffee shop ng mangyari ang insidente at mayroon pang mga kakarating pa lamang.
Labis naman ang naging panlulumo nito dahil sa pangyayari lalo na at ang coffee shop na ito umano ang nagsisilbing nilang hanapbuhay o pinagkakikitaan. Kung saan ay inabot na sila ng halos tatlong taon sa nasabing negosyo at talagang pinaghirapan nila ang lahat ng nasa loob nito lalo na ang mga machine na ginagamit nila dito.
Sa kabilang banda, ayon naman kay SFO1 Marvin Heinz Nebres, imbestigador ng Bureau of Fire Protection – Naga na nagpapatuloy pa ang isinagawa nilang imbestigasyon sa pangyayari lalong-lalo na ang pag-alam sa posibleng dahilan ng insidente.
Sa ngayon, wala pa umanong eksaktong halaga kung magkano ang pinsala na iniwan ng sunog ngunit ayon sa pagtataya posibleng umabot ito sa P6-P8-M.
Kaugnay nito, paalala na lamang ng opisyal na maging maingat at iwasan ang mga posibleng pagmulan ng sunog.