Pinag-iingat ng private educational institutions ang mga mambabatas sa posibleng pagbubukas ng edukasyon sa full foreign ownership.
Sa pagdinig ng Senado, binigyang-diin ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ang pangangailangang pangalagaan ang kultura, halaga at interes ng mga Pilipino sa gitna ng mga talakayan sa pag-amyenda sa 1987 Constitution, partikular ang probisyon na may kinalaman sa ownership o mga institusyong pang-edukasyon.
Iginiit ni COCOPEA president Fr. Albert Delvo ang mga alalahanin sa mga miyembro ng COCOPEA hinggil sa mga posibleng panganib kung pahihintulutan ang full foreign ownership ng educational institutions.
Sa kabila ng mga pangamba na ito, kinilala ni Delvo na ang ilang mga institusyon na kasalukuyang nag-o-operate sa ilalim ng 60-40 arrangement sa foreign ownershop ay tila nasisiyahan sa kanilang kasalukuyang setup.
Ang COCOPEA ay nagsisilbing boses ng pribadong sektor ng edukasyon sa Pilipinas.
Ito ay kumakatawan sa kabuuang 2,500 member-schools, colleges, universities, and tech-voc institutions.
Samantala, ipinunto naman ni Dr. Karol Mark Yee, Executive Director ng Second Congressional Commission on Education of the Philippines (EDCOM 2) na ang Pilipinas ay isa sa mga mahigpit na bansa pagdating foreign ownership sa ASEAN.
Sa kabila ng mga limitasyon, binigyang-diin ni Yee ang pangangailangang galugarin ang mga paraan para makaakit ng dayuhang mamumuhunan sa sektor ng edukasyon.
Gayunpaman, giit ni Yee na ang pagpayag sa foreign ownership ay “unang hakbang lamang” at nangangailangan ng karagdagang batas upang epektibo itong maipatupad.