-- Advertisements --

Binuweltahan ni Solicitor General Jose Calida ang mga artista na bumatikos sa kanya at kanyang naging papel sa pagsara ng ABS-CBN.

Sa kanyang pagdalo sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises and on Good Government and Public Accountability sa pamamagitan ng teleconferencing, pinuna ni Calida ang mga artista na nag-ingay sa social media para ipabatid aniya sa publiko ang sa tingin nila ay paniniil ng gobyerno.

“In desperation, they would want to use their influence over their multitudes of fans to muddle the issue and drum up support for their network,” ani Calida.

Partikular na tinukoy ni Calida si Coco Martin na pumuna sa kanya sa isang social media post.

“Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa’yo kahit patayin mo pa ako. Maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng NTC sa kontribusyon ninyo sa ating bayan! Tinatarantado ninyo ang mga Pilipino!” bahagi aniya ng pahayag ni Martin.

-- Advertisement --


Tila aniya nanghahamon ng away si Martin, na akala raw ay mareresolba ang issue sa prangkisa ng ABS-CBN sa pamamaraan na ipinapakita sa mga teleserye.

“However, we cannot discount the fact that in his rage, Coco Martin’s outburst showed a clear lack of understanding of the situation. The sarcasm is clear: ‘Ipagdarasal ko na lumiwanag sana ang inyong isipin at kung sino man ang nag-utos sayo,” ani Calida.

Kung hindi lang aniya siya Solicitor General, malamang sa malamang aniya ay pinakain na niya si Martin sa mga pinagsasabi nito.