-- Advertisements --

Aprubado na ng senado sa ikalawang pagbasa ang panukala na magtatatag ng trust fun para sa mga coconut farmers ng bansa.

Ginawa ito isang taon makaraang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang parehong panukala dahil posible umanong labag ito sa Constitution.

Matapos ang ilang linggong deliberasyon ay napagkasunduan na nag mga mambabatas na ipasa ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.

Sa ilalim ng naturang panukala, pangangasiwaan ang trust fund na ito ng board na siya ring babalangkas sa mga posibleng paggagamitan ng levy na kinolekta mula sa mga coconut farmers.

Tinataya kasing aabot na sa P100 billion pesos ang nakolekta mula sa mga ito.

Taong 1971 nang simulan ang koleksyon ng coco levy kasabay ng pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nang matuldukan ang rehimeng Marcos, kaliwa’t kanang kaso ang isinampa para ibigay ang kontrol ng pondo sa mga coconut farmers.

Idineklara naman ng Supreme Court noong 2012 na public fun ang coco levy fund.

Labis naman ang pasasalamat ni Sen. Cynthia Villar sa kaniyang mga kapwa mambabatas sa pagpasa ng panukala. Mahalagang bagay aniya ito para sa mga coconut farmers ng Pilipinas.