Kinansela ang klase sa University of Negros Occidental–Recoletos (UNO-R) matapos matagpuan ang isang bala ng baril sa loob ng Senior High School building ng unibersidad.
Ayon kay Police Captain Peter John Ramos, Station Commander ng Bacolod Police Station 6, nakatanggap sila ng tawag mula sa paaralan bandang alas-12:10 ng tanghali kaugnay ng insidente.
Sa pagresponde ng mga otoridad, itinurn-over ng head security ng paaralan ang pinaniniwalaang bala ng caliber .45, na kasalukuyan pang isinailalim sa pagsusuri ng crime laboratory.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Ramos na posibleng ito ay isang uri ng pananakot na may kaugnayan sa alitan ng ilang grupo.
Bukod sa bala, nakatanggap din ang paaralan ng isang written note na nagbabala laban sa mga “bully” at nagbanta ng karahasan.
Samantala, kinansela rin ang klase sa University of Saint La Salle (USLS) matapos makatanggap ng banta.
Batay sa ulat, isang ina ang nagsumbong sa pamunuan ng paaralan matapos makatanggap ng kanyang anak na estudyante ng mensahe bandang alas-2:00 ng madaling araw na nagbabanta umanong babarilin ang dalawang estudyante kinabukasan.
Sa inilabas na advisory ng USLS, tiniyak ng pamunuan na nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang security office at sa mga law enforcement authorities upang matugunan ang banta at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan.










