Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na “consummated” na ang betrayal of public trust ni Vice President Sara Duterte matapos nitong ihayag sa publiko na mayroon na siyang nakausap na papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez kung may masamang mangyayari sa kanya.
Sa ikasiyam na araw ng impeachment trial ni VP Sara, sinabi ni Matibag na ang mismong pahayag ng Bise Presidente ay maituturing nang pag-amin na nakipag-ugnayan siya sa isang tao upang isagawa ang pagpatay.
“The betrayal of public trust was already been consummated when she publicly admitted… there is already an admission that she contracted a killer, mamamatay-tao or assassin to kill the President,” ani Matibag.
Ipinaliwanag pa ng NBI chief na taliwas umano ito sa sinumpaang tungkulin ng isang halal na opisyal na ipatupad ang batas at magbigay ng katarungan sa lahat.
Nag-ugat ang isyu sa isang viral na video ng virtual press conference ni Duterte noong nakaraang taon, kung saan sinabi niyang may kinausap na siyang tao at inutusan itong patayin sina Marcos Jr., Araneta-Marcos, at Romualdez sakaling siya ay mapatay. Iginiit din noon ni Duterte na “no joke” ang kanyang naging pahayag.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, hiniling ng kampo ng depensa na alisin sa record ang pahayag ni Matibag hinggil sa umano’y betrayal of public trust. Gayunpaman, hindi ito pinagbigyan ng impeachment court.
Tinutulan naman ni lead impeachment prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang mosyon ng depensa. Ayon kay Luistro, direktang sinagot lamang ni Matibag ang tanong ng depensa kung maaari bang maituring na betrayal of public trust ang naturang pahayag ni Duterte.
Nauna nang iginiit ni VP Sara na hindi maituturing na pagbabanta ang kanyang naging pahayag laban kina Marcos, Araneta-Marcos, at Romualdez. Aniya, malinaw na sinabi niyang “kung mamatay ako,” na nagpapahiwatig umano na may umiiral na banta rin sa kanyang seguridad.
















