Tiniyak ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap na hindi maaantala ang deliberasyon ng Kamara sa proposed P5.024-trillion national budget para sa susunod na taon dahil lamang sa mga reports ng Commission on Audit (COA).
Iginiit ni Yap na kinikilala niya na ginagampanan lamang ng COA ang mandato nito salig sa 1987 Constitution hinggil sa pag-audit ng mga ginagastos ng pamahalaan, subalit mas mainam aniya kung idiretso na lamang ang mga findings nito sa Office of the Ombudsman para sa karampatang aksyon.
Sinabi ni Yap na mayroon lamang 35 araw ang Kamara para talakayin at aprubahan ang pinakamalaking proposed budget sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa maiksing panahon na ito, kung hihimayin pa nila ang findings ng COA ay baka hindi na aabot pa sa itinakdang araw ang pag-apruba sa panukalang pondo para sa susunod na taon.
Binigyan diin ni Yap na mahalagang maaprubahan ang 2022 proposed national budget bago pa man matapos ang kasalukuyang taon dahil malaki ang papel nito para sa recovery ng ekonomiya ng bansa.
Bukas, Agosto 26, nakatakdang simulan ng Kamara ang committee deliberation para sa budget proposal ng iba’t ibang ahensya at kagawaran ng pamahalaan.