Ibinunyag ng Commission on Audit(COA) ang hindi pagkakagamit sa 91% ng kabuuang pondo ng Philippine Coconut Authority(PCA) na nakalaan sana sa mga hybrid na niyog.
Ang Hybrid Coconut Fund ay pondo ng pamahalaan sa ilalim ng PCA na gagamitin sana sa modernisasyon ng coconut sector sa buong bansa. Ito ay nakalaan sa Coconut Hybridization Program ng naturang ahensiya.
Ngunit lumalabas sa audit report ng COA na 91.22% ng P755million na pondo ay hindi nagamit.
Nangangahulugan ito na 8.78% lamang ang ginamit para sa naturang programa, o katumbas ng P66.305million.
Ang natitirang P688 million, ayon pa rin sa COA, ay ibinalik sa National Treasury.
Batay sa datus ng PCA, mababa ang naging accomplishment sa ilalim ng naturang programa.
Mula kasi sa 10,676 ektarya ng lupain na nailaan para rito, umaabot lamang sa 3,540 ektarya ang natamnan o katumbas ng 33%.
Sa kabuuang 1.527million na puno ng niyog na kinailangang i-fertilize, umaabot lamang sa 495,472 na puno ang natapos. Ito ay katumbas lamang ng 32.45%
Hindi rin nagawa ng naturang ahensiya na mag-train ng manpower sa ilalim ng naturang programa dahil sa umaabot lamang sa 202 katao ang sinanay mula sa ntarget na 2,517 na katao.
Katumbas lamang ito ng walong porsyento.
Sa naging report ng state auditor, umaabot lamang mula 8% hanggang 49% ang accomplishment ng PCA sa naturang usapin, sa loob ng 2022.