Pinayagan ng Sandiganbayan si dating DPWH – Mimaropa Construction Division chief Dominic Serrano, na kapwa-akusado ni dating Cong. Zaldy Co, na sumailalim sa medical checkup para sa kaniyang heart condition.
Ito ay matapos hilingin ni Serrano sa Sixth Division ng anti-graft court sa pagdinig ngayong Huwebes na sumailalim sa naturang checkup sa Philippine Heart Center bukas, Biyernes, Hulyo 24.
Ipinaliwanag ng abogado ni Serrano na si Atty. Gideon Ventura na mayroong pitong coronary stents ang kaniyang kliyente, maliit ito na mesh tubes na naka-implant sa puso.
Hiniling din ng abogado na payagan ang miyembro ng pamilya ni Serrano na maasistihan ang kaniyang kliyente sa kanilang pagbisita subalit tinanggihan ito ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez dahil mayroon naman aniyang hospital personnel na maaaring magbigay ng kaukulang assistance kay Serrano.
Una rito, nahaharap si Serrano sa kasong malversation may kaugnayan sa umano’y anomaliya sa road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.















