Nagsimula nang rumolyo ang clinical trials sa Pilipinas ng Japanese drug na Avigan bilang pinag-aaalang treatment laban sa COVID-19.
“Ngayon ay inuumpisahan na, mag-uumpisa. ‘Yan sinabi sa atin ng proponent last week and overseers of this Avigan trial,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire ng Department of Health (DOH).
Ayon sa opisyal, dumating na dito sa bansa ang stock ng gamot at nakatakdang ihatid sa mga site ng trial.
Apat na ospital ang magsisilbing “buena mano” sa trials. Kabilang dito ang UP-Philippine General Hospital, Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.
“We will start with these four hospitals but of course mage-expand pa ‘yang list of hospitals for us to be able to have this 100 patients na sinabing allocated na drugs from the Japanese government.”
Tatakbo ng siyam na buwan ang trials sa Avigan. Matapos nito ay susuriin ang datos ng mga resulta para makita kung naging epektibo ba ito sa mga pasyente ng COVID-19 na sumailalim sa clinical trial.
Bukod sa Avigan, sumali rin ang Pilipinas sa hiwalay na clinical trial ng World Health Organization sa iba’t-ibang uri rin ng gamot. Inaasahan naman ang hiwalay na trial ng Russian-developed vaccine na Sputnik V dahil sa pagsusulong ng administrasyon.