CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang dalaga sa pamamaril sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang biktima na si Sheila Marie Pestaño Pusoc, 39, PhilHealth Section Clerk ng Sultan Kudarat Provincial Hospital at residente ng corner Dapitan at D’ Lotilla St., Barangay Kalawag 1, Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Sultan Kudarat police provincial director Noel Kinazo na sakay ng traysikel ang biktima patungong rotonda ngunit pagsapit nito sa tulay ng national highway sa Barangay Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng South Cotabato.
Naisugod pa ang biktima ng mga nagrespondeng pulis sa Sultan Kudarat Provincial Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kanyang ulo, likod at dibdib kaya agad itong binawian ng buhay.
Anggulong may kinalaman sa trabaho ang iniimbestigahan ng Isulan PNP sa pamamaril-patay sa biktima.