-- Advertisements --

Nangangambang maharap sa kaso ang mga opisyal ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) dahil sa reklamong isasampa laban sa kanila ng isang grupo.

Ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sasampahan nila ng mandamus case bukas sa Quezon City Regional Trial Court ang LTFRB matapos i-disqualify ang mga hatchback na kotse sa listahan ng transport network vehicle service (TNVS) providers.

Giit ni LCSP president Atty. Ariel Inton, nais nilang ihirit sa ahensya ang implementasyon ng memorandum circular nito na pumapayag sa mga hatchback na kotse bilang TNVS hanggang 2021.

“We are going to file the mandamus case—LTFRB i-implement ‘yung MC. Why? Wala namang ibang dahilan para i-stop mo dahil wala ka namang binago doon sa polisiya. Kung mayroon man, it was not in writing. It cannot be that way.”

Batay sa ulat higit 1,200 na hatchback vehicles ang na-deactivate ngayong buwan sa kompanyang Grab matapos umanong i-utos ng LTFRB.